ngumiti ka at parang nabura ang 14 na taong dumaan mula ng una kong nasilayan ang iyong ngiti. freshman ako noon, naghihintay kay amy at grace dumating at may programa sa pop-eye.
mula sa third floor, nasilayan ko ang iyong ngiti ng tinawag ka. ngumiti ka sa mga nagtitipon at sa mga tulad kong nag-uusyoso lang.
"isang mapula at mapagpalayang pagbati sa inyong lahat" bati mo sa amin. at kahit alam kong ang pagbati na iyon ay para sa lahat ng naroroon ng panahon na iyon inari ko na akin yon. akin kasama ang ngiti mo.
nagsalita ka tungkol sa pagtataas ng tuition sa ibang mga unibersidad. ang totoo pang ilang tao ka na nga na napakinggan ko tungkol sa bagay na ito. ang totoo nga dati, wala akong kapakipakialam dahil bakit nga ba ako makikialam e dito sa atin ni singkong duling di naman tumataas ang tuition fee. pagdatin sa iyo, sabihin na lang natin na gusto ko na ring makialam. Kaya ng magyaya ka na magsibaba na kami at sumama sa martsa nyo papuntang mendiola, karay karay ko si Amy at Grace pababa ng main.
Dinala mo nga kami sa Mendiola. Ang haba ng lakad. Galit na galit si Grace kasi naka heels siya. Si Amy naman muntik hikain. Ang layo din naman kasi talaga lalo na sa aking allergic sa grueling exercises. di ko nga akalaing darating ang araw na sasama ako sa rally. ako pa? na naiinis sa trapik na dinudulot sa legarda papuntang quiapo dahil sa mga rally rally. hindi ko rin inambisyong magbilad sa kalye at magrisk magka-skin caner na may hawak hawak na mga plakard. masakit ata yon sa kilili! not to mention di ko binalak magsisigaw ng ibagsak.
Pagdating ng mendiola, nagpaDG kayo sa kalsada. Syempre, sinadya ko na mapabilang kami sa grupo mo. Gusto na nina Grace umuwi pero di nila ako maiwan. kaya tatlo kaming kasama sa grupo mo at nung araw ding iyon, kaming tatlo ang bago mong mga recruit.